9:43 PM

Hindi ko naman naisip. Pero sa huli, ganun pa rin.

Medyo hindi ata dapat sa lugar na `to ko `to isusulat pero hindi rin naman masama kung isa ito sa isang libong duda na nasa isip ko. Ang pinagkaiba nga lang, ito yung isa sa iilan na sigurado ako.

Mahal ko ang Seventeen.

Kasabay nang pagpasok nila sa industriya ng KPOP, nagpumilit akong lumabas. Akala ko kasi ikaka-mature ko yon. Kunyari hinanap ko yung sarili ko, pero masyadong madilim ang tunay na mundo para sa `kin. Hindi naman ako takot humarap sa katotohanan pero siguro, mas pinili na lang talaga ng sarili ko na doon ako sa kung saan ako mas masaya.

Ang totoo, bumalik ako dahil sa SJ at sa mga taong naging malaking bahagi ng buhay ko ngayon dahil sa kanila. Ang hindi ko naman talaga inakala, madadala nila ako sa isang bagong grupo na ipagsusulat ko ng mga ganito ka-mais na sulatin.

Kung tutuusin, wala naman talagang kakaiba sa Seventeen.
Pero ito - higit sa lahat - ang dahilan kung bakit wala silang katulad.

Ordinaryong mga bata lang ang mga miyembro ng Seventeen - mga batang mahusay gumawa ng sarili nilang kanta at sarili nilang mga sayaw. Pero yung pagiging ordinaryo kasi nila yung totoong dahilan kung bakit ko sila nagustuhan.

Kailan ko lang naman sila talaga kinilala pero sa sandaling panahon na iyon, hindi ko talaga naramdaman na nagkukunwari sila sa trato nila sa isa't isa. Hindi na yung talento lang ang nakita ko eh. Nakita ko yung tunay na malasakit ng bawat isa sa kanila sa grupo.

Aaminin ko naman. Nakumbinsi naman talaga akong kilalanin sila nung nakita ko na ang pagkakatulad nila sa Super Junior. Pero nang lumaon, bumubuo na sila ng isang sariling pagkakakilanlan sa akin. Oo, nandong maalala ko pa rin ang SJ sa bawat isa sa kanila at sa kung paano sila ngayon; pero sa huli, alam ko pa rin na magkaiba sila.

May pagkakataon na ginusto kong kumawala agad. Nagawa ko din kasi sa ibang grupo. Naghanap ako ng hindi ko gusto at may mga bagay akong nakita. Pero sa pagpapatuloy kong paghahanap ng mga bagay na ganon, nakita ko nalang yung sarili ko na mas lubog na. Masyado ko na silang mahal, wala nang atrasan pa.

Paano?

Ang pinakamagandang bagay kasi sa grupong `to, hindi ko nakita sa kanila `yung sariling pangangailangan na maging perpekto. Nandun yung mga pangarap, nandun yung mga gusto nilang mangyari at maabot; pero hindi nila tinatalikuran `yung kung sino sila noong simula. Malayo na ang narating nung grupo kung tutuusin, pero lahat sila, parang alam na alam nila kung saan sila dapat bumalik.

Lahat nang grupo, pinagdaanan ang hirap. Walang madali sa pagpasok sa industriya ng KPOP. Pero itong mga batang `to, hinasa ng pagkakataon. Kaya ngayon, parang kalaro na lang nila `yung tadhana. Basta magkakasama, lahat kaya nila. Walang iiwanan at walang mang-iiwan.

At ang pinakaimportanteng bagay na nakita ko sa kanila? Hindi sila takot aminin sa lahat `yung totoo: na sila man, bilang mga ordinaryo ring tao, ay nasasaktan at nahihirapan. Maging sikat ka ba naman sa buong mundo diba? Pero ang mahalaga, marunong silang tumayo at bumawi. Lagi nilang ipinapakita sa akin na ayos lang maging malungkot, at ayos lang magkaproblema at mabugnot sa araw-araw nilang ginagawa sa buhay. Basta ang mahalaga, masaya sila sa ginagawa nila at magkakasama silang humaharap sa lahat ng problema, at saya.

Hindi kasi sila takot sa mga tao. Para sa kanila kasi, kailangan nilang gawin kung ano `yung mga talagang nasa puso nila, kasi dun nila mahahanap yung tunay na magaling eh. Tipong alam kasi nila na kung sila mismo masaya, mas makakapagpasaya sila.

Siguro mababaw, pero sa ngayon na kailangan ng mundo ng mga tunay na halimbawa ng pagiging mababang-loob at pagpapakatao, kailangan kong ipaalam kung anong klaseng tao `tong mga batang `to. At dahil alam ko yung kahalagahan na maintindihan natin na hindi sa lahat ng bagay ay kailangan nating maging perpekto, alam kong habambuhay kong mamahalin ang grupo na ito.





You Might Also Like

0 comments

Powered by Blogger.