#SariliKoNaman

8:51 PM

Unang araw ng dekada '20.

Ubos ang oras sa paglilinis ng kwarto, pag-aayos ng aparador, pamimigay ng damit, at panonood ng mga videos ng Seventeen. Sa totoo lang, hindi pa handa ang sistema ko sa pagbabalik-opisina naming lahat bukas pero wala naman akong magagawa. Kailangang kumayod, bumalik sa normal, at kumita ng pera. Marami pa nga pala akong pangarap, lalo ngayong bagong taon.

Kanina ko pa iniisip kung paano ako magpapaalam sa nakalipas na dekada. Hindi kasi madaling iwanan yung nakalipas na sampung taon. Dito kasi ako nabuo eh. Dito ako naging kung sinong gusto kong maging ako -- yung matagal ko nang pangarap, yung taong sarili ang prayoridad. 

Nakakatuwa ngang isipin kung paanong hindi lang pala ako yung nag-enjoy sa 2019. Marami pala sa amin na naging parang culminating activity yung nakaraang taon. Isang dekadang nag-aral sa buhay tapos 2019 nang gumraduate. Nakakatawang ngayon ko lang narealize kung paano ba talaga humarap sa mundo, pero kung tutuusin, hindi naman ako nagmamadali. Mas okay nang ngayon ko lang natutunan to kasi natrain ako ng maayos, kesa minadali kong mag-mature tapos susuko lang din sa huli.

Kaya ngayong 2020, mas malakas ako at mas kaya kong buksan ang puso ko para sa lahat. Nasa training phase pa din ako ng pagpapasensya pero dadating din tayo don. Sa ngayon, masaya na akong madali na para sa akin ang magpatawad. Hindi ako mabuting tao, pero hindi rin ako masama. Balanse lang ang pagkatao, depende sa kung pano ako pinatutunguhan ng mga nasa paligid ko.

Sa pagsisimula ng taon, gusto kong bumuo ng panibagong mga pangarap; pero hindi ako makaisip. Ang totoo niyan, gusto ko lang ipagpatuloy na angkinin ang bawat segundo, minuto, oras ng buhay ko -- kasi akin to eh. Kasama ng mga taong gusto kong makasama at mga bagay na gusto kong makuha at gawin, pupuntahan ko ang mga lugar na gusto kong puntahan; at gagawa ako ng sangkaterbang ala-ala na magpapatibay pa sakin lalo.

Pero kung kailangan talaga na magkaroon ako ng kahit isang pangarap ngayong 2020, iyon ay ang makabalik ako sa Kanya. Medyo inilayo ko kasi ang sarili ko sa pagsubok na kayaning mag-isa. Pero totoo pala talaga `yung sinasabi ng lahat -- kulang ako pag wala sa Kanya. Hindi naman kasi mapupunuan ng pagiging Liturgy Chairman ko ang totoong pananampalataya. Kaya sa pagbaba ko sa posisyon ngayong taon, pipilitin kong buuin ang sarili ko ulit na ayon sa gusto Niya. 

Marami pa akong gustong gawin sa 2020, totoo lang. Pero kung may isang bagay na sigurado, ito `yung pinag-aralan ko sa loob ng isang dekada. Wala nang bawian, wala nang atrasan. Sa taon na `to, #SariliKoNaman.

You Might Also Like

0 comments

Powered by Blogger.